Huwebes, Setyembre 18, 2008

Ano ang Panalong Dokyu?

Sa totoo lang, sa kahit anong paligsahan,
panlasa ng mga hurado ang nasusunod.

Pero kung ako ang hurado,
ito ang mga hahanapin ko.

1. Maayos ang teknikal na aspeto.
Matino ang tunog, naririnig ang mga sinasabi, hindi masakit sa tenga.
Matino ang mga kuha, hindi kailangang sobrang ganda, basta hindi sablay.

2. Mahalaga ang tesis.
Importante sa akin at sa komunidad ang pinag-uusapan.
Kung puwede, mabago niya ang buhay ko, kundi man ang isip ko.

3. Maraming astig na patunay.
Ang dapat gayahin dito Super Size Me--
ang daming nang patunay, iba-ibang klaseng dokumento,
interesante pa lahat, at masarap pag-usapan kahit pagkatapos ng dokyu.
Isipin mo, french fries na hindi nabubulok!

4. Bago.
May bagong sinasabi o paraan ng pagsasabi ng mga bagay.
Iba pa rin kapag ikaw ang nauna sa isang bagay.
Tulad ng "38 Paghahanap".
Nauna siya sa ganoong klaseng pagkuha at pag-eedit kaya astig.
Kapag ginawa mo uli 'yon, baka hindi na kasing-astig.

5. Malakas ang Dating.
Sa huli, ito ang pinakamahalaga at baka mas matimbang o nililikha ng lahat ng naunang aspeto.
Kapag may tama sa madla, at lalo na sa hurado, 'yun na 'yon.
Kapag natawa sila, naiyak, napaisip, o nagkaroon ng plano dahil sa ginawa mo, tapos na ang boksing.
Ang taong "transforming difference" ay hindi lang iyong matalino, kundi iyong nakakukumbinsi sa iba, tumatalab, mataas sa Ugnay.

Sana makatulong.
Pagpalain kayo ng Diyos sa ginagawa ninyo.
Hindi rin makasasamang makinig sa gusto Niyang sabihin ninyo.

2 komento:

Unknown ayon kay ...

ser, astig. ako unang mag-iiwan ng puna. saka bakit 12:41am mo ginawa toh? haha. :))

tanong lang, pano pala iniiskoran ng mga hurado 'yung mga dokyu? gano kabigat 'yung bawat isa sa mga aspeto na 'yan sa taas? ilang % ang alin? o walang ganun?

serpao ayon kay ...

rez, may pamantayang ginagamit sa Palig. Sa pagkakaalala ko, mula sa pinakamabigat:
> iskrip
> sinematograpiya, musika, at pagtatagni
> direksyon
> pagka-filipino.
Bibigyan namin kayo ng kopya kalaunan.